Umabot na sa mahigit 160 na mga pamilya mula sa limang Sitio ng Barangay Ned, Lake Sebu , South Cotabato ang lumikas dahil sa sumiklab na engkwentro sa pagitan ng militar at pinaniniwalaang miyembro at supporters ng rebeldeng New Peoples Army o NPA.
Sa datos ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office South Cotabato ang mga lumikas na pamilya mula sa Sitio Glay ang umabot sa 55, Sitio Tawan Dagat – 71, Sitio Datal Bonglawon -11, Sitio Sigawit – 4 at 20 pamilya naman mula sa Sitio Celtix sa nasabing barangay ang lumikas at nasa evacuation center sa Sitio Panamin ng Bagumbayan, Sultan Kudarat.
Ayon kay Pdrrm Action Officer Mila Lorca nabigyan na nila ng tulong ang nasa 141 na mga pamilya maliban lamang sa 20 pamilya na nasa Sitio Panamin.
Posible namang madagdagan pa ayon sa kanya ang bilang ng mga nagsilikas na mga residente dahil nagpapatuloy pa ang clearing operations ng militar sa lugar.
Kinumpirma din ni Lorca na nagsagawa na rin ng medical mission ang Lake Sebu Municipal Health Office at Provincial Health Office ng South Cotabato.
Nanatili pa ring suspindido ang klase sa Polosubong Integrated School at Tuburan Elementary School.
Sa ngayon hinihintay na lamang ang rekomendasyon ng pamunuan ng militar kung pwede ng makabalik sa kanilang pamamahay ang mga bakwit.
Matatandaan na sumiklab ang sugapaan sa pagitan ng militar at rebeldeng grupo noong Disyembre 3 ng hapon sa boundary ng Lake Sebu, South Cotabato at Bagumbayan, Sultan Kudarat.
Mahigit 160 na mga pamilya lumikas dahil sa engkwentro sa pagitan ng militar at NPA sa boundary ng South Cotabato at Sultan Kudarat.
Facebook Comments