Sa pagdinig ng Committee on Human Rights na pinamumunuan ni Senator Richard Gordon ay lumabas na nasa 1,877 pa ang cold cases o mga hindi pa nareresolbang malalagim at karumal-dumal na krimen noong nakaraang taon.
Base sa report ng Philippine National Police, kinabibilangan ito ng mga kaso ng pagpatay, panggagahasa, kidnapping, serious illegal detention, parricide, paglabag sa anti-drug law, qualified piracy at arson.
Bunsod nito ay iginiit ni Senator Gordon na dapat may high sense of duty ang mga pulis at hindi nila dapat sinusukuan ang mga kaso hanggang hindi nareresolba.
Lumabas din sa pagdinig na may 56,452 pulis ngayon ang nahaharap sa reklamong administratibo sa kabiguang dumalo sa mga pagdinig ng korte ukol sa mga kasong isinampa laban sa kanila.
Lumutang din ang kabiguan ng mga pulis na dumalo bilang testigo sa paglilitis ng korte sa mga kasong may kinalaman sa iligal na droga dahil sa malalayong lugar ng kanilang assignment.
Dahil dito ay may mga mungkahi na payagan ang pagdalo ng mga pulis sa mga paglilitis sa korte sa pamamagitan ng video conferencing.