Mahigit 1,800 Pamilya sa Region 2, Apektado ng Bagyong Kiko; 6 Bahay, Nawasak

Cauayan City, Isabela- Nasa 1,828 pamilya o 5,919 indibidwal ang apektado sa pananalasa ng bagyong Kiko sa bahagi ng Cagayan, Isabela at Batanes nitong mga nagdaang araw.
Sa datos ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Field office 2, dalawampung (20) bayan at 109 barangays ang apektado ng kalamidad.

Naitala sa Cagayan ang may pinakamaraming bilang ng pamilyang apektado na umabot sa 1,650 o 5,349 na indibidwal habang labing-anim na bayan ang apektado at 92 barangays.

Sa lalawigan naman ng batanes, anim na barangay ang apektado mula sa dalawang bayan kung saan 20 pamilya o 66 indibidwal ang labis rin na naapektuhan ng bagyo.


Bukod dito, nakapagtala rin ang lalawigan ng Isabela ng 11 barangay na apektado ng bagyo kung saan 134 na pamilya o 401 indibidwal mula sa coastal town ng Maconacon at Divilacan, Isabela.

Sa pinakahuling datos ng ahensya, dalawang evacuation centers nalang sa rehiyon ang nananatiling bukas mula sa 97 na bilang.

Samantala, hindi rin nakaligtas sa hagupit ng bagyo ang dalawang bahay matapos tuluyang mawasak habang apat (4) na kabahayan naman ang partially damaged.

Kahapon ay nakabalik na sa kanilang mga tahanan ang mga pamilyang naapektuhan ng bagyo sa Cagayan at Isabela.

Facebook Comments