Nasabat ng Bureau of Customs (BOC) Environment Protection Compliance Division sa isang warehouse sa Pasay City ang 28-kilo ng agarwood o lapnisan na nagkakahalaga ng ₱2.4 million.
Ayon sa BOC, ang agarwood ay classified na uri ng kahoy base na rin sa Convention on International Trade in Endangered Species of Wild Flora and Fauna (CITES).
Ayon sa Department of Environment and Natural Resources (DENR), ibinebenta sa mahal na presyo ang agarwood dahil sa kakaiba nitong amoy.
Ginagamit ang resin ng agarwood sa paggawa ng insenso, pabango at medical products partikular sa Middle East at Asya.
Pero ayon sa DENR, iligal ang pagbebenta sa bansa ng agarwood na matatagpuan sa mga kabundukan ng Mindanao at Visayas.
Sinasabing ang agarwood o lapnisan ay isa sa pinakamahal na uri ng puno sa buong mundo.
Sa record, naibebenta ang kada kilo nito nang hanggang ₱750,000.
Ayon sa Customs, idineklara ang mga nasabat na agarwood bilang face masks, mga damit, sapatos, hand bags at leather jacket.
Ipinadala ito sa pamamagitan ng tatlong packages mula sa Davao at patungo sanang United Arab Emirates.