Pilit pang pinagkakasundo ng mga miyembro ng bicameral conference committee ang 27 substantial items ng panukalang Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises (CREATE) Act.
Pagtitiyak naman ni Ways and Means Committee Chairman Joey Salceda, head ng House bicam contingent, ngayong buwan din ay mapag-iisa rin nila ang House at Senate version ng CREATE Bill.
Sinabi pa ni Salceda na sinisikap nilang tapusin sa bicam at mapagtibay ang CREATE Bill bago matapos ang Enero.
Bukod dito, buong linggo rin silang nagtatrabaho at kompiyansa ito na ang mga inilatag na amendments sa panig ng Kamara ay well-argued at evidence-based.
Ngayong Martes ay muling sinimulan ng bicam ang pagtalakay sa CREATE Bill kung saan mula sa 30% ay ibababa sa 20% ang Corporate Income Tax (CIT) ng mga Micro, Small, and Medium Enterprises (MSMEs) na may net taxable income na ₱5 million pababa at may total assets na hindi hihigit sa ₱100 million habang ang CIT reduction sa ibang mga kompanya at foreign firms ay itatakda naman sa 25%.
Layunin ng panukala na dumagsa ang investments sa bansa, makalikha at mabigyan ng trabaho ang mga Pilipino at magkaroon ng development lalo na sa mga probinsya.