Aabot sa 23 mga ospital at pasilidad sa Metro Manila ang magiging bahagi ng Phase 2 ng pilot implementation ng pediatric vaccination sa Biyernes, Oktubre 22.
Ayon kay Dr. Kezia Rosario ng National Vaccines Operation Center, nakahanda na ang pamahalaan at mga Local Government Unit (LGU) para sa Phase 2 ng pagbabakuna sa mga kabataang edad 12 hanggang 17.
“Sa ating census for Phase 2, may 23 hospitals na tayo including po iyong magku-continue na Phase 1 hospitals ‘no. So each of the Local Government Units naman po ng National Capital Region have already prepared ng kanilang vaccination site using iyong hospital as a vaccination site. We had several din na mga LGU due to limitation ng spaces ng hospital have negotiated with us to use several of their nearby facilities as vaccination sites,” ani Rosario
Tiniyak din ni Rosario na sapat ang suplay ng COVID-19 vaccine na gagamitin sa Phase 2.
Matatandaang Oktubre 15 nang ikasa ang Phase 1 ng pilot implementation ng pediatric vaccination kung saan nabakunahan ang nasa 3,416 na mga kabataan edad 15-17 na may comorbities.