Iraq – Umaabot sa 202 na mass grave na pinagbaunan ng libu-libong pinatay ng ISIS ang nadiskubre sa mga lugar na dating kontrolado ng teroristang grupo.
Sa report na inilabas ng United Nations (UN), posibleng mahigit sa 12,000 katao ang inilibing sa mga mass grave na ito na nakita sa mga probinsiya ng Nineveh, Kirkuk, Salah Al-Din at Anbar sa Iraq.
Ang pinakamaliit na mass grave ay naglalaman ng walong labi habang ang pinakamalaki na nadiskubre sa Mosul ay may mahigit 4,000 ang ibinaon.
Inaasahan pa ng United Nations na marami pang makikitang mass grave ang mga imbestigador sa mga susunod na araw.
Sinakop ng ISIS ang malaking bahagi ng Iraq mula Hunyo ng 2014 hanggang Disyembre ng 2017. Nakilala ang grupo dahil sa brutal na estilo nito ng pagpatay sa mga itinuturing nitong mga kaaway.