Mahigit 200 pulis, naparusahan; 83 dito, natanggal na sa serbisyo dahil sa hindi pagdalo ng mga court hearings

Umabot sa 211 na mga pulis ang naparusahan dahil sa hindi pagdalo sa mga court hearing kaugnay sa mga isinampang kaso ng Philippine National Police (PNP) laban sa mga naarestong suspek mula sa iba’t ibang operasyon.

Ayon kay PNP Chief General Guillermo Eleazar, mula January, 2020 hanggang June 3, 2021 naitala ang 211 na mga pulis na naparusahan dahil sa hindi pagdalo ng court hearings

83 sa mga ito ay tuluyan nang sinibak sa serbisyo, 31 ang demoted, 92 ang suspended, at 5 ang reprimanded.


Sinabi ni PNP chief, hindi raw nagtatapos sa pag -aresto ng mga nagkasala sa batas ang trabaho ng mga pulis, kasama aniya sa kanilang tungkulin ang pagdalo sa mga pagdinig ng kaso lalo na kung sila ay ipinatawag ng korte o sila mismo ang arresting officer.

Kaya naman gumagawa ng paraan si PNP chief kung paano masisigurong haharap sa korte ang sinumang pulis bilang mga testigo sa lahat ng kaso na isinasampa ng PNP sa korte.

Ayaw kasi ni Eleazar na mabalewala ang paghuli sa mga suspect lalo na kung drug suspect dahil maari pa ulit makapagsagawa ng drug transactions kapag nabasura ang kaso.

Facebook Comments