Manila, Philippines – Umaabot na sa mahigit 2000 ang mga aplikasyong natanggap ng Board of Claims simula July 2016 hanggang May 2017.
Sa Accomplishment report ng Board of Claims kabuuang 2,104 na mga aplikasyon ang kanilang natanggap kung saan sa nabanggit na bilang 277 dito ay na-carry over lamang nuong Hunyo 2016.
Aabot naman sa 1,838 na mga aplikasyon ang naaksyunan na ng Board of Claims.
Sa ilalim ng Republic Act 7309, bukod sa mga biktima ng hindi makatarungang pagkabilanggo, ang mga biktima ng mararahas na krimen ay maari ring tumanggap ng kompensasyon mula sa Board of Claims.
Kasama sa mga itinuturing na biktima ng mararahas na krimen ay iyong mga dumanas ng panggagahasa at mga biktima ng krimen na nagresulta sa kamatayan, matinding pinsala sa katawan, dumanas ng psychological injury, naging baldado, seryosong trauma o iyong mga biktima ng krimen na isinakatuparan sa pamamagitan ng pagpapahirap o torture, pagmamalupit at barbarikong pamamaraan.
Samantala sa ngayon nasa 266 pa ang mga nakapending na aplikasyon sa Board of Claims.