Umaabot na sa kabuuang 2,546 ang mga nakumpiskang illegal attachments ng Philippine National Police Highway Patrol Group (PNP-HPG) mula Enero – Marso 2024.
Ayon kay PNP PIO Chief PCol. Jean Fajardo kabilang sa mga illegal attachments na mga ito ay mga blinkers, wang wang, sirena at mga illegal plates.
Mayroon ding nasa 107 modified muffler at open pipe ang nasabat ng PNP-HPG.
Ani Fajardo, nuong nakalipas na taon nasa 7,931 na mga wang-wang, sirena, blinkers at iba pa ang kanilang nasabat.
Paliwanag nito kahit hindi pa inilalabas ng Palasyo ng Malacañang ang Administrative Order (AO) No. 18, ay puspusan na ang ginagawang panghuhuli ng PNP-HPG sa mga gumagamit ng mga tinaguriang illegal attachments sa mga sasakyan.
Sa nasabing AO No. 18, ipinagbabawal na ang paggamit ng mga government officials and personnel ng mga sirens, blinkers at iba pang kahalintulad na devices.
Exempted naman dito ang may respondeng fire trucks, ambulances, at iba pang emergency vehicles ng Armed Forces of the Philippines, National Bureau of Investigation, at Philippine National Police.