Mahigit 2,000 mga kabataan, nailigtas sa online sexual abuse and exploitation ngayong may pandemya

Aabot sa 2,645 na mga biktima ng Online Sexual Exploitation of Children (OSEC) ang nailigtas ng National Bureau of Investigation (NBI).

Sa pagsalang sa budget deliberation sa plenaryo ng Department of Justice (DOJ), nagpaabot ng pagkabahala si Gabriela Rep. Arlene Brosas sa 264% na pagtaas ng mga kabataang nabibiktima ng sexual abuse sa gitna ng mahigpit na ipinapatupad na lockdown dahil sa COVID-19 pandemic.

Ayon kay Brosas, tinatayang nasa edad 11 taong gulang at pinakabata naman ay wala pang isang taong gulang ang naitalang biktima ng mga online sexual abuse at human trafficking.


Ayon naman sa sponsor ng DOJ budget na si Appropriations Vice Chairman Jonathan Sy-Alvarado, aabot na sa 920 ang mga naarestong sexual offenders ngayong may pandemya habang 3,000 naman ang mga identified persons sa anti-trafficking operations ng NBI.

Sinabi naman ni Brosas na malaki pa ang bilang na hahabulin ng ahensya na maaresto at maparusahan sa mga kasong may kinalaman sa OSEC.

Tiniyak naman ni Alvarado sa Kongreso na patuloy ang DOJ, NBI at kaukulang ahensya sa pagtugis sa mga sexual offenders partikular na sa mga sangkot sa pambibiktima sa mga kabataan sa cybercrime sex.

Sa 2021 ay mayroong ₱1.05 million na pondo ang DOJ para sa special protection of children, ₱67.78 million naman sa anti-trafficking at ₱23 million sa anti-cybercrime enforcement.

Facebook Comments