Pinag-iingat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ang 2,047 na mga barangay sa Bicol Region dahil sa posibleng panganib ng landslide at pagbaha sa Bagyong Bising.
Inabisuhan na ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mga kaukulang Local Government Unit (LGU) na paghandaan ang posibleng evacuation at nagpre-position na ng family food packs ang Department of Social Welfare and Development (DSWD), kung sakaling kailanganin.
Samantala, pinag-iingat ng NDRRMC ang mga maliliit na sasakyang pandagat sa eastern seaboards ng Visayas at Mindanao dahil inaasahang magiging maalon ang kondisyon ng karagatan dahil sa bagyo.
Nanawagan naman ang NDRRMC sa publiko na tumutok sa mga weather updates at sumunod sa abiso ng mga awtoridad, kasabay ng pag-obserba sa mga minimum public health standards.