Umakyat na sa 2,587 ang mga pasyenteng nakarekober sa COVID-19 matapos na makapagtala ng 76 na mga pasyenteng gumaling at nananatiling 263 ang mga nasawi sa nakamamatay na virus sa Quezon City.
Base sa record, may nadagdag namang 85 katao ang kumpirmadong may COVID-19 kaya’t umaabot na sa kabuuang bilang na 4,736 ang kaso ng COVID-19 sa QC at sa bilang na ito ay umaabot sa 1,781 ang aktibong kaso ng lungsod.
Karamihan sa mga tinamaan ng COVID-19 ay tinutulungan ng lokal na pamahalaan na gumaling at ngayo’y nasa Hope 1, 2 at 3 quarantine facilities at ang iba naman ay nasa city-run hospitals na Novaliches Hospital, Rosario Maclang Bautista Hospital at QC General Hospital.
Patuloy na ipina-aalala ng QC Government sa publiko ang pagsusuot ng face mask at ipairal ang physical distancing para makaiwas na mahawa ng nakamamatay na virus.