Umabot sa 265,339 na indibidwal ang na-rescue ng Armed Forces of the Philippines (AFP) matapos na manalasa ang Bagyong Ulysses.
Ayon kay AFP Public Affairs Office Chief Captain Jonathan Zata, 1,078 na indibidwal ang na-rescue ng militar sa mga pagbaha sa Northern Luzon kabilang ang lalawigan ng Cagayan.
263,444 na indibidwal naman ang na-rescue sa Southern Luzon at 817 ang na-rescue sa National Capital Region (NCR).
Matatandaang ideneploy ng AFP ang kanilang 83 Search, Rescue and Retrieval teams nationwide para tumulong sa ginagawang disaster response efforts ng mga Local Government Units (LGUs).
83 land assets, 9 na aircraft at 19 water assets ang idineploy sa mga binahang lugar kaya na-rescue ang libo-libong indibidwal.
Sa ngayon, naka-standby ang 145 teams ng AFP para sa posible pang deployment at augmentation.
Naka-standby rin ang 268 land assets, 9 na aircraft, 2 barko at 25 rubber boats.
Samantala, sinimulan na rin ng AFP ang kanilang Tulong Bayanihan program kung saan namamahagi sila ng relief packs sa mga sinalanta ng bagyo.