Ipinagmalaki ni House Majority Floor Leader Martin Romualdez na mahigit 300 panukalang batas ang nalagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte at naisabatas.
Ayon kay Romualdez, sa harap ng COVID-19 pandemic, nasa 311 na mga panukala ang naging ganap na batas sa loob ng third regular session ng 18th Congress.
Sa bilang na ito, 119 ang mga batas na may “national scope” habang 192 naman ang local.
Ibinida rin ni Romualdez na hindi naging hadlang ang pandemya para makapaghain at makapagproseso ang Kamara ng nasa sa 13,526 measures mula July 22, 2019 hanggang June 3, 2022.
Sa bilang naman na ito, 10,845 ang panukalang batas habang 2,681 naman ang resolusyon.
Nasa kabuuang 1,618 na mga panukala naman ang napagtibay sa Mababang Kapulungan mula sa panahon ng pamumuno ni dating Speaker at Taguig-Pateros Rep. Alan Peter Cayetano at outgoing Speaker at Marinduque Rep. Lord Allan Velasco.
Ikinararangal naman ni Romualdez, na siyang napipisil na susunod na Speaker ng 19th Congress, na matapat at maayos na nagampanan ng lahat ng bumubuo sa Kongreso ang kanilang mga tungkulin para sa bayan at para sa mamamayan.