Umabot na sa 31,497 pamilya mula MIMAROPA at Western Visayas ang apektado ng oil spill mula sa lumubog na MT Princess Empress sa Oriental Mindoro.
Ayon sa Office of Civil Defense (OCD), apektado rin ang kabuhayan ng 13,654 magsasaka at mangingisda ng oil spill.
Aabot na rin sa P23.9 million halaga ng tulong ang naibigay ng pamahalaan at non-government organizations sa mga apektadong residente.
Nauna nang sinabi ni Pola, Oriental Mindoro Mayor Jennifer Cruz na halos 130 na ang nagkakasakit habang nasa 4,800 na pamilya ang naapektuhan ng oil spill sa kanilang lugar kung saan kalahati nito ay mga mangingisda.
Umabot naman sa 47 kilometers ng labing isang coastal barangay sa Pola ang tinamaan na ng oil spill habang 533 ektarya ng mangroves ang napinsala.
Aminado si Cruz na nababahala siya sa posibleng worst case scenario sakaling matagalan pa ang pag-alis ng barko na may lamang 800,000 litro ng industrial oil sa Naujan, Oriental Mindoro.