“Fully vaccinated” na ang mahigit 35 libong tauhan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) o halos dalawampung porsyento ng kanilang kabuuang bilang na mahigit 180 libong pwersa.
Ayon kay AFP Public Affairs Office Chief Capt. Jonathan Zata, 34,390 sa mga ito ang nakakumpleto na ng dalawang dose ng Sinovac vaccine, habang 1,155 naman ang kumpleto nang naturukan ng AstraZeneca.
Sinabi pa ng opisyal na ang mga nakakumpleto na ng bakuna ay ang kanilang mga medical frontliners at maging ang mga sundalong nagbabantay sa mga quarantine checkpoints.
Nagsimula aniya kahapon ang pagbabakuna ng mga nalalabing tauhan ng AFP na kabilang sa A4 priority group, at matatapos ito depende sa availability ng vaccine.
Matatandaang sinabi ni AFP Chief of Staff Gen. Cirilito Sobejana na mandatory para sa lahat ng tauhan ng AFP na magpabakuna, pero malaya silang pumili ng brand ng bakuna depende sa availability.