Monday, March 23, 2026

Mahigit 39 libong PNP personnel, idedeploy para sa nalalapit na Holy Week 2026 sa buong bansa; heightened alert status, magsisimula sa March 29

Magdedeploy ng kabuuang 39,540 personnel ang Philippine National Police (PNP) para sa nalalapit na paggunita ng Holy Week 2026 sa buong bansa.

Ayon kay PCpt. Amie C. Tiu ng PNP Tourist and Safety Protection Section, katuwang ng mga police personnel ang 5,185 mula sa augmentation units at 14,691 mula sa mga advocacy group.

Sa kabuuan, aabot sa mahigit 59,000 personnel ang idedeploy upang tiyakin ang seguridad at kaligtasan ng mga turista at mga magsasagawa ng Visita Iglesia.

Ayon pa kay Tiu, inaasahan ang maigting na presensya ng kapulisan sa pamamagitan ng foot patrol, paglulunsad ng police assistance desk, at pakikipag-ugnayan sa lokal na pamahalaan at mga tourism stakeholder sa mahigit 3,000 identified tourist destination sa darating na Holy Week.

Samantala, itataas ang heightened alert status ng lahat ng PNP units at opisina simula 12:01 a.m. ng March 29 hanggang April 6 sa kaparehong oras.

Nagpaalala naman si Tiu sa mga indibidwal na magsasagawa ng religious activity na pairalin ang pag-iingat at makipagtulungan sa mga awtoridad.

Kaugnay nito, wala namang namo-monitor na banta ang PNP para sa nasabing aktibidad.

Facebook Comments