Mahigit 40 hinihinalaang may taglay na COVID-19, binabantayan ng Cainta, Rizal Government

Mahigpit na tinututukan ngayon ng Cainta, Rizal Government ang 48 mga residente na pinaghihinalaang may taglay na Coronavirus Disease 2019 o Covid-19 sa iba’t ibang lugar sa Cainta, Rizal.

Sa kanyang Facebook page, sinabi ni Cainta, Rizal Mayor Kit Nieto na hindi siya magpakampante sa mga nangyayari sa kanyang nasasakupan kung saan 13 na ang nasawi, 27 naman ang narekober habang 37 ang naka-home quarantine at lima ang kanilang facility quarantine habang nakaantabay ang limang hospital para umagapay sa mga nagpopositibo ng COVID-19.

Paliwanag ng alkalde, mahigpit ang kanyang mga tagubilin sa lahat ng mga barangay captain na higpitan pa ang pagbabantay sa kanilang mga nasasakupan para matiyak na walang makapapasok na may taglay na COVID-19.


Matatandaan na noong Biyernes, mahigit 30 katao ang dinampot sa Sitio Halang, Barangay San Isidro, Cainta, Rizal dahil sa lumalabas sa kanilang bahay ng walang suot na facemask at quarantine pass kung saan dinala sila sa Munisipyo at magdamag silang pinangaralan tungkol sa kahalagahan ng pananatili sa bahay.

Umaasa si Mayor Nieto na hindi na madagdagan pa ang bilang ng mga nahahawaan ng nakamamatay na sakit upang magbalik na sa normal ang pamumuhay ng kanyang mga nasasakupan.

Facebook Comments