Mahigit 40 libong dagdag na mga family food packs para sa mga pamilyang apektado ng shear line, dumating na sa Davao Region

Muling umarangkada ang pamimigay ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng family food packs sa mga biktima ng sama ng panahon sa Davao Region.

Ito ay kasunod ng pagdating ng mahigit 40 libong family food packs na DSWD sa Field Office -11 bilang pagpapatuloy ng Disaster Response operations sa Davao Region.

Lulan ng Barko ng Republika ng Pilipinas (BRP) Davao del Sur ng Naval Forces Eastern Mindanao ang ayudang ito para sa mga biktima ng malawakang pagbaha dahil sa pag-ulan na dulot ng shear line nitong nakalipas na mga araw at linggo.


Una na ring nakapagbigay ang DSWD ng food at non-food items na nagkakahalaga ng Php238,993,568 para sa mga shear line-affected families sa nasabing rehiyon.

Bukod pa ito sa 148.6-milyong pisong halaga ng ayuda para sa mga naapektuhan ng Low Pressure Area (LPA).

Ayon kay DSWD Secretary Rex Gatchalian, tuloy-tuloy ang relief aid sa Mindanao bilang tugon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na tiyaking walang pamilyang biktima ng kalamidad ang maiiwan.

Facebook Comments