Mahigit 400 estudyante, nag-suicide; panukala para sa pangangalaga sa mental health ng mga mag-aaral, tinalakay ng Senado

Ibinahagi ng Department of Education (DepEd) sa Senado ang nakakabahalang mataas na bilang ng mga mag-aaral na nag-suicide o nagpatiwakal.

Sa pagdinig ng Committee on Basic Education and Culture para sa pagpapalakas ng mental health services sa mga paaralan, ibinunyag ni DepEd Asst. Sec. Dexter Galban ang naitalang 404 na mga estudyanteng nagpakamatay sa taong 2021-2022.

Maliban dito, aabot naman sa 2,147 na mga mag-aaral ang nagtangkang mag-suicide o magpakamatay at ito ay patuloy pang tumataas.


Giit ni Galban, ang nakakaalarmang suicide cases na ito sa mga kabataan ang dahilan kaya sinusuportahan nila ang pagpapatibay ng panukala para sa pangangalaga ng mental health at kapakanan ng mga mag-aaral.

Maliban dito ay nakapagtala rin ng 775,962 na mga estudyante na nagpasaklolo o humingi ng tulong sa mga guidance counselor na katumbas ng 2.85% ng kabuuang populasyon ng mga mag-aaral sa basic education.

Aminado si Galban na posibleng mataas pa ang bilang na ito lalo’t isa pa sa problemang kinakaharap ng mga paaralan ay ang kakulangan ng mga guidance counselors na pwede nilang malapitan.

Facebook Comments