Naitala ang mahigit 400 kilo ng huling isda sa isinagawang Fisharvest Festival sa Tagudin, Ilocos Sur.
Umabot sa kabuuang 417.25 kilo ng samut-saring isda ang naani ng mga benepisyaryo ng Lambaklad Project sa naturang aktibidad noong Marso 22, 2026.
Pinangunahan ito ng isang samahan ng mga mangingisda na aktibong kalahok sa programa ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources Region 1.
Kabilang sa mga nahuling isda ang barracuda, bayang-bayang, bulong-unas, buslugan, layalay, oriles, talakitok, tangigi, at tulingan.
Ayon sa BFAR Region 1, ipinapakita ng kolektibong huli ang potensyal ng sama-samang pangingisda sa tulong ng sapat na suporta mula sa komunidad.
Dagdag pa, hindi lamang umano sukatan ng produksyon ang nasabing harvest kundi patunay rin ng patuloy na pagsisikap ng mga mangingisda sa kabila ng mga hamon sa dagat.
Layunin ng naturang aktibidad na palakasin ang produksyon sa sektor ng pangisdaan at matiyak ang sapat at dekalidad na suplay ng isda para sa publiko. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










