
Nagpakalat ang Philippine National Police (PNP) ng 425 personnel upang tiyakin ang seguridad sa ginaganap na special election ngayong araw sa 2nd District, Antipolo City, Rizal.
Sa panayam ng DZXL 558 RMN Manila kay Rizal Police Provincial Director PCol. Eleazar Barber Jr., sinabi nitong kabuuang 806 personnel ang dineploy sa lugar.
Kabilang dito ang mga PNP personnel, Bureau of Fire Protection (BFP), mga force multiplier, at iba pang law enforcement units.
Ayon kay Barber, wala namang namo-monitor na anumang banta kaugnay ng nasabing eleksyon sa lugar.
Tiniyak din niya na hanggang matapos ang bilangan ay naka-monitor ang PNP kasama ang Philippine Army, lalo na sa mga liblib na lugar sa San Jose at Calawis, Antipolo City.
Kaugnay nito, nagpaalala si Barber sa mga botante at sa mga law enforcement unit na sumunod sa mga umiiral na patakaran upang matiyak ang maayos at mapayapang halalan.
Samantala, ipinatutupad din ang gun ban sa Antipolo na nagsimula noong February 12 at magtatapos sa March 29 bilang bahagi ng seguridad para sa nasabing special election.










