Mahigit 4,000 indibidwal, apektado ng Super Typhoon Karding

May 1,208 na pamilya o 4,606 na indibidwal ang apektado ng Super Typhoon Karding sa 57 barangay sa mga rehiyon na tumbok ng bagyo.

Batay ito sa ulat ni Defense Secretary Jose Faustino Jr., kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa isinagawang briefing sa National Disaster Risk Reduction and Management Council o NDRRMC.

Aniya, ang mga apektadong pamilya ay nasa mga evacution center ngayon dahil sa isinagawang preemptive evacuation.


Iniulat pa ni Secretary Faustino na mayroong 13 domestic flights ang kanselado at may ilan ding international flights.

May 43 mga pantalan naman ang sinuspinde ang operasyon kaya naman umabot sa 2,882 ang naitalang stranded passengers.

Sa ngayon ay nakatutok ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa pagbibigay ng pagkain sa mga nasa evacuation center at mga stranded na pasahero.

Sinabi pa ni Faustino na walang naitalang communication interruption sa mga lugar na dinaanan ng bagyo.

Pinagana na rin daw ng NDRRMC ang kanilang inter-agency response clusters para agad matukoy ang mga nangangailangan ng tulong ngayon.

Ang DSWD aniya ay mayroong standby food at non-food items para tulong sa mga nangangailangan.

May 83 million na halaga naman ng iba’t ibang gamot, medical supplies at iba pang pangangailan ang inihanda ng Department of Health (DOH), maliban pa sa available na 1,356 medical responders.

Sa logistics naman na pinangungunahan ng Office of Civil Defense, tiniyak ang available transportation assets para sa pagdadala ng mga pangangailan ng mga apektado ng bagyo.

Pinangungunahan naman ngayon ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang road clearing habang ang Philippine National Police (PNP) ay nakatutok sa pagbabantay laban sa mga magsasagawa ng looting at binabantayan rin ang mga evacuation centers para sa proteksyon ng mga bata at kababaihan.

Facebook Comments