Naghihintay pa rin ang mahigit 4,000 na mga kawani ng Manila International Airport Authority (MIAA) sa kahilingan nila sa Inter-Agency Task Force (IATF) na mabakunahan na rin sila.
Ayon sa ilang opisyal at empleyado ng MIAA, nagsumite na muli sila ng follow up letter sa IATF para sa nasabing kahilingan pero hanggang ngayon ay wala pa rin itong tugon.
Sa ngayon, may ilang tauhan na ng MIAA ang naturukan na ng first dose ng COVID vaccine pero ang mga ito ay nagpalista sa local government units kung saan sila nakatira ,kaya sila nabakunahan.
Isinusulong ng MIAA na mapasama sa kanilang nais na mabakunahan sa lalong madaling panahon ang contractual employees , maging ang utility workers at security guards ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) na naka-employ sa mga agency.
Anila, kung tutuusin sila ay kasama rin sa hanay ng frontliners bilang mga manggagawa ng paliparan.