Naabo ang higit sa 50 bahay sa sumiklab na sunod sa Dulong Tangke, Malinta, lungsod ng Valenzuela kahapon ng hapon.
Ayon kay Valenzuela Fire Director Superintendent Bernard Batnag Jr., umakyat sa ikalawang alarma ang sunog.
Mabilis kumalat ang apoy sa lugar dahil gawa sa light materials ang karamihan sa mga bahay.
Nahirapan ding makapasok ang mga rumespondeng bumbero lalo na’t nasa dulong bahagi ng barangay ang sunog dagdag pa rito ang pagsisilabasan ng mga residente.
Nakadagdag pa sa kalbaryo ang mahinang pressure ng tubig mula sa Maynilad kung saan ito ang itinuro ni Valenzuela City Mayor Rex Gatchalian kung bakit hindi naapula kaagad ang apoy.
Mariin namang pinabulaan ng panig ng Maynilad ang pahayag ng alkalde.
Sa kabutihang palad ay walang naitalang casualty ngunit may dalawang naitalang sugatan na naidala naman sa ospital kung sana nasa maayos na kundisyon ang mga ito.
Nagpaabot naman ang tulong ang lokal na pamahalaan sa pamamahagi ng pagkain at hygiene pack sa mga nasunugan habang sumilong muna sila sa itinayong evacuation centers.