Mahigit 50 mga guro, naghain ng petisyon sa Kamara para sa dagdag na sahod

Kasabay ng pagdiriwang ng National Teachers’ Month at National Teachers’ Day ngayong araw ay isinumite ng Alliance of Concerned Teachers o ACT sa Mababang Kapulungan ang petisyon ng 57,209 na mga guro para sa pagtaas ng kanilang buwanang sahod.

Hiling ng mga guro, itaas sa salary grade 15 o ₱35,097 ang kanilang entry level salary na ngayon ay nakapako sa salary grade 11 o ₱25,439.

Kasama sa kanilang hirit na itaas sa salary grade 16 o ₱38,150 ang kasalukuyang buwanang sahod ng mga college instructor na nasa salary grade 12 o ₱27,608.


Kasama rin sa petisyon ang mga guro sa pribadong paaralan na humihiling na itaas sa ₱30,000 ang kanilang sweldo kada buwan.

Sa liham kay Committee on Appropriations Chairman at Ako Bicol Party-list Representative Elizaldy Co ay binigyang-diin ni ACT Chairperson Vladimer Quetua na dapat aksyunan agad ang apela ng mga guro.

Ito ay bilang pagsunod sa itinatakda ng Section 15 ng Magna Carta for Public School Teachers na dapat ang kanilang sweldo ay kapantay ng sweldong tinatanggap ng ibang propesyon.

Katwiran pa ni Quetua, ang maliit na sweldo ng mga guro ay humahatak din pababa sa kalidad at sistema ng ating edukasyon.

Ayon kay Quetua, ang pag-angat sa economic conditions ng mga guro ay magbibigay sa kanila ng kakayahan na makatulong sa pagbangon at pagpapahusay sa sektor ng edukasyon.

Facebook Comments