Kasunod ng patuloy na pananalasa ng Bagyong Florita partikular na sa bahagi ng Northern Luzon ay inilikas na ang ating mga kababayan bago pa man ito tuluyang mag-landfall kanina sa Isabela.
Sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), aabot sa 180 na pamilya na ang inilikas dahil sa sama ng panahon.
Katumbas ito ng 543 na indibidwal.
Galing ang mga inilikas sa Cordillera Administrative Region at Region 2.
Base sa report ng NDRRMC, 70 pamilya o 152 indibidwal ang inilikas mula sa Region 2 habang 110 pamilya o 391 indibidwal naman mula sa CAR.
Samantala, nananatili namang nakaantabay ang NDRRMC sa iba pang mga lugar na maaring magkaroon ng paglikas.
Pinagana na rin nila ang kanilang response cluster na tutugon sa mga pagbaha at pagguho ng lupa.