Umabot ng 559 na pamilya ng Barangay St. Joseph ng San Juan City ang unang nakatanggap ng financial assistance mula sa nasyonal na pamahalaan bilang tulong sa mga pamilya na lubhang apektado ng community lockdown bunsod ng pandemya.
Ang Barangay St. Joseph ang pinakaunang barangay ng lungsod na ipamamahagi ang nsabing ayuda kung saan pinangunahan ito ni San Juan City Mayor Francisco Zamora.
Ayon kay Mayor Zamora, upang matiyak na masusunod ang safety and health protocols nag isyu sila ng serial number ng bawat beneficiaries kasabay kung anong oras sila pupunta sa venue ng distribution.
Maliban sa Barangay St. Joseph, mamamahagi rin ngayong araw ng cash aid ang ilang Barangay ng lungsod tulad ng Addition Hills, Isabelita, at Maytunas.
Sa mahigit P98 milyong ibinigay ng nasyonal na pamahalaan sa San Juan, pakikinabangan anya ito ng 20,000 pamilya na kabilang sa SAP 1 at 2, waitlisted ng SAP, at 4Ps.
Pero aniya magkakaroon ng hiwalay na pamamahagi ng nasabing cash aid para sa 4Ps kung saan meron mahigit 1,000 beneficiaries.
Sinaksihan naman ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Undersecretary Jonathan Malaya at Testing Czar Secretary Vince Dizon para i-monitor o makita ang proseso ng distribyusyon ng cash aid sa nasabing lungsod.