Inaasahan na darating mamayang gabi sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang donasyon na bakuna laban sa COVID-19 ng Estados Unidos.
Base sa abiso ng National Task Force (NTF) Against COVID-19, nasa 561,600 doses ng Pfizer na ibinigay ng gobyerno ng Estados Unidos sa pamamagitan ng COVAX ang darating mamayang alas-9:20 ng gabi sa NAIA Terminal 3 lulan ng flight LD56.
Una rito, dumating kagabi sa NAIA Terminal 2 ang 3,000,000 doses ng Sinovac vaccines na binili ng gobyerno, habang mahigit dalawang milyon (2,020,590) doses ng Pfizer vaccines mula sa COVAX ang dumating sa NAIA Terminal 3.
Ayon kay NTF Chief Implementer at Vaccine Czar Secretary Carlito Galvez Jr., ang bagong shipment ng bakuna ay ipamamahagi sa Regions 3, 4A, 7, 11 at sa National Capital Region (NCR).
Paliwanag pa ni Sec. Galvez na ang Sinovac ay nakapag-deliver na ng 36-M CoronaVac doses sa bansa, sa nabanggit na bilang 34,100,000 doses ay binili ng gobyerno.
Ibinida naman ng pamahalaan na umabot na sa 62,359,810 COVID-19 vaccine doses ang dumating sa bansa mula noong buwan ng Pebrero ngayong taon.