Mahigit 56-K rice farmers, nakapagtapos sa kursong agriculture — TESDA

Umabot sa mahigit 56,000 magsasaka at kanilang mga dependent ang napagtapos ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) sa kursong agriculture noong 2023.

Ayon Kay TESDA Secretary Suharto T. Mangudadatu, ito’y alinsunod sa patuloy na pagsusulong ng administrasyon para sa pag-unlad sa sektor ng agrikultura.

May kabuuang 56,654 rice farmers at miyembro ng kanilang pamilya ang nakatapos ng iba’t ibang kursong agriculture na iniaalok ng ahensya sa ilalim ng Rice Competitiveness Enhancement Fund – Rice Extension Services Program (RCEF-RESP) Scholarship Program.


Sinabi ni Mangudadatu, ang Region III ang may pinakamaraming bilang na may 6,973 nagtapos noong 2023.

Sinundan ng Rehiyon X at Rehiyon II na may 5,247 at 4,810 nagsipagtapos ng kurso.

Sa nakalipas na mga taon aniya, inuna ang sektor ng agrikultura sa pagbibigay ng mga programa sa pagsasanay na makatutulong sa bansa sa pagkamit ng food security at self-sufficiency.

Bukod dito, hinihikayat ng TESDA ang mga mamamayang Pilipino na mag-enroll sa iba’t ibang kursong iniaalok ng TESDA sa ilalim ng Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF).

Facebook Comments