Cauayan City, Isabela- Tinatayang nasa kabuuang mahigit sa 57,000 waitlisted families sa Cagayan Valley ang nakatanggap ng ayuda sa ilalim pa rin ng Social Amelioration Program (SAP) ng pamahahalaan.
Ayon kay Information Officer Jeanet Lozano ng Pantawid Pamilya Pilipino Program ng DSWD region 2, ito ang bilang na nakumpleto ng ipamahagi ng ahensya para sa mga hindi nakatanggap ng unang tranche ng tulong pinansyal.
Aniya, asahan pa rin ang posibleng pagtanggap ng mga waitlisted families na muli na namang napag-iwanan ngayon at hindi tumanggap.
Palaisipan din sa ahensya kung bakit marami pa ring waitlisted families ang hindi napasama ngayong matagal na itong ipinaasikaso sa mga lokal na pamahalaan para maisama sa payroll.
Bukod dito, iimbestigahan pa rin ng DSWD ang umano’y deduplication ng mga benepisyaryo ng ayuda para maiwasan na makatanggap ang mga hindi na karapat-dapat sa ayuda ng gobyerno.
Para sa ikalawang bugso ng ayuda sa ilalim ng Bayanihan 2, mas dodoble ang gagawing beripikasyon sa mga waitlisted families na ipapasakamay ng mga LGUs sa ahensya.
Samantala, sumulat na ang DSWD regional office sa lahat ng Municipal/City Social Welfare para sa muling paglilista ng mga maipapasama sa mababahaginan ng tulong.
Sa ngayon ay tanging paalala sa lahat ng indibidwal o ahensya na kung maaari ay tiyakin ang mga mabebenepisyuhan na karapat-dapat.