Umakyat na sa 239 mga aplikante ang na-hire on the spot sa isinagawang Mega Job Fair ng Muntinlupa City Public Employment Service Office o PESO katuwang ang DZXL Radyo Trabaho sa Ground Floor Walter Mart Mall, West Service Road, Sucat, Muntinlupa City.
Ayon kay Muntinlupa City PESO Manager Glenda Zamora Aniñon, umaabot sa 598 ang registered applicants habang 75 iba’t ibang kompanya ang nakilahok sa Mega Job Fair kung saan mahigit sa 4,000 job vacancies ang kailangan.
Paliwanag pa ni Aniñon, sa mga nais pang humabol hanggang alas-5:00 ng hapon ang job fair na nagsimula kaninang alas-9:00 ng umaga kaya’t pinayuhan ang mga aplikante na magdala ng maraming kopya ng resume upang makapamili ng kanilang kumpanyang papasukan.
Dagdag pa nito, mayroon silang one stop shop para sa mga unang naghahanap ng trabaho gaya ng Social Security System (SSS), Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth), Pag-Ibig, Bureau of Internal Revenue (BIR) at libreng pagkuha ng police clearance.
Kabilang sa mga maaaring pasukan ay ang Food and Hotel Restaurant Industry, Engineering, IT, BPO, Bank Industry at marami pang ibang mga trabaho.