Cauayan City, Isabela – Umabot na sa kabuuang 625 pamilya sa buong Cagayan Valley ang napatunayang kasama sa ‘duplicates sa talaan ng Waitlisted/Left-Out sa Social Amelioration Program (SAP) ng Department of Social Welfare and Development Field Office 02 (DSWD FO2) sa isinagawang deduplication ng DSWD Central Office.
Ayon kay Ginoong Bernardo E. Juan, Regional Information Technology Officer, kanyang ipinaliwanag na nagkakaroon ng kaso ng dobleng pangalan ng waitlisted family’s kung ito ay higit isang beses na lumabas kung ikukumpara sa talaan ng waitlisted sa bawat bayan na kanilang kinabibilangan lalo na ang mga nakatanggap ng first tranche maging ang pagtanggap ng ayuda sa iba pang ahensya.
Ayon pa sa ulat, kasalukuyan pa rin na nagsasagawa ang ahensya ng deduplication sa rehiyon subalit sa hind pa rin nakukumpleto ang pagsumite ng mga LGU ng kumpletong Social Amelioration Card form o encoded SAC forms na siyang basehan ng mga impormasyon ng benepisyaryo habang hindi pa rin tukoy kung nasa 100% na ang deduplicated o malinis na datos ng mga waitlisted.
Una nang inihayag ni Regional Director Fernando R. De Villa na nakapagtalaga na ng mga kawani ng ahensiya na siyang tumutulong sa mga lokal na pamahalaan upang mapabilis ang encoding ng wastong impormasyon sa mga SAC form ng mga nakatanggap ng first tranche sa SAP at umaabot na sa 315,201 mula sa kabuoang 569,755 na pamilya ang naipasok sa sistema.
Sa kabila nito, nananatili pa ring positibo ang DSWD na masisimulan na ang pamamahagi ng ayuda sa mga probinsiya na nakapagsumite ng tama at kompletong encoded SAC forms katulad ng Batanes at Nueva Vizcaya sa lalong madaling panahon.