
Higit 600 residente ng Barangay Tagbubunga sa Villaba, Leyte ang inilikas at pansamantalang nanunuluyan ngayon sa covered court at elementary school ng barangay matapos ang insidente ng rockslide na naganap noong Oktubre 3, kasunod ng 6.9 magnitude na lindol na tumama sa Bogo City, Cebu.
Ayon sa ulat, gumuho ang bahagi ng isang mataas na limestone rock sa likurang bahagi ng komunidad, na nagdulot ng panganib sa mga residente ng Purok 1-B at Sitio Bag-ong Baryo.
Bilang pag-iingat, agad na nagsagawa ng evacuation ang mga lokal na awtoridad.
Habang ang ilang evacuees ay nananatili sa mga tent sa loob ng covered court, ang iba naman ay pansamantalang naninirahan sa Tagbubunga Elementary School at sa mga pribadong kabahayan.
Kaugnay nito, inanunsyo ni Villaba Mayor Carlos Veloso na may plano na ang lokal na pamahalaan na i-relocate ang nasa 193 pamilyang apektado ng rockslide.
Kasalukuyang naghahanap ang LGU ng dalawang ektaryang lupain na bibilhin para gawing relocation site, na tinatayang mangangailangan ng P2 milyon na pondo.









