
Abot na sa 68,257 ang hinuli sa unang linggo ng pagpapatupad ng Safer Cities initiative.
Ayon kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla, kabilang sa mga nangungunang paglabag ang pag-inom at paninigarilyo sa pampublikong lugar, paglabas nang walang damit pang-itaas, paglabag ng mga menor de edad sa curfew, at paggamit ng karaoke lampas sa itinakdang oras.
Aminado ang kalihim na sinisikap pa rin nilang mapahusay ang programa, gaya ng pagkakaroon ng mas malinaw na polisiya at mas epektibong pagpapatupad.
Ani Remulla, layunin lang ng programa na magkaroon ng kaayusan at disiplina sa komunidad, hindi ang parusahan ang mga ordinaryong mamamayan.
Sa mga susunod na linggo, inaasahan ang karagdagang hakbang at pag-aaral upang lalo pang mapabuti ang kaligtasan sa mga lungsod.










