Mahigit 70 milyong Pilipino, target na mabakunahan kontra COVID-19 bago matapos ang administrasyong Duterte sa June 30 ayon sa NTF

Target ng National Task Force o NTF Against COVID-19 na mabakunahan ang mahigit 70 milyong Pilipino bago matapos ang termino ni Pangulong Rodrigo Duterte sa June 30.

Sa Talk to the People ni Pangulong Duterte, sinabi ni NTF Chief Implementer at Vaccine Czar Secretary Carlito Galvez Jr., na ang naturang target na mga bilang ay base sa datos na nakalap nila ng National Vaccination Operations Center o NVOC.

Batay aniya sa datos ng NVOC, ang average ng apat na linggong pagbabakuna ng bansa para sa 1st dose ay nasa 321,083, habang 242,606 naman para sa second dose ng kaparehong panahon.


Paliwanag din ni Galvez na ang naturang plano ng pamahalaan na mabakunahan ang 70 milyong Pilipino ay nakabatay rin sa National Vaccination Plan ng gobyerno.

Binigyang-diin din ni Galvez na ang 70 milyong target ay malaki na at pasok na sa inaprubahan ng World Health Organization o WHO.

Nauna nang sinabi ng pamahalaan na target na mabakunahan ang 90 milyong Pilipino sa pagtatapos ng administrasyong Duterte.

Facebook Comments