Mahigit 70 Pilipino na nagbalik bansa, nagpositibo sa COVID-19; IATF, pinag-aaralan na kung isasama ang mga OFW sa pagbabawalang pumasok sa Pilipinas

Aabot sa 74 overseas Filipino travelers na nagbalik sa bansa ang nagpositibo sa COVID-19.

Ayon kay National Task Force Against COVID-19 Deputy Chief Implementer Vince Dizon, dumating ang mga ito sa Pilipinas sa pagitan ng December 22, 2020 hanggang January 3, 2021 mula sa mga bansang nakapagtala na ng bagong COVID variant.

Aniya, sa 3,684 naitalang arrivals noong holiday season, 3,610 dito ang nagnegatibo sa virus.


Sabi pa ni Dizon, pinag-aaralan na rin ng Philippine Genome Center (PGC) at ng Research Institute for Tropical Medicine (RITM) ang specimen ng mga nagpositibo sa virus para madetermina kung nakapasok na sa bansa ang bagong variant ng COVID-19.

Samantala, pinag-aaralan na ng Inter-Agency Task Force on the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) na isama ang Overseas Filipino Workers (OFWs) sa pagbabawalang pumasok sa Pilipinas lalo na kung galing sa mga bansang may kumpirmadong kaso ng bagong COVID-19 variant.

Pero paglilinaw ni Labor Secretary Silvestre Bello III, wala pang pinal na desisyon hinggil dito.

Sa ngayon, wala pang natatanggap ang pamahalaan ng ulat na may OFW nang tinamaan ng bagong variant ng virus.

Facebook Comments