Mahigit 800 Bar examinees, hindi na dumalo sa ikalawang araw ng pagsusulit

Hindi na kinaya ng 810 Bar examinees ang ikalawang araw ng Bar Examination na kasalukuyang ginagawa sa 14 na testing centers sa buong bansa.

Ayon sa Supreme Court Bar Examination Committee, nasa 9,196 na lamang ang bumalik sa pangalawang araw ng pagsusulit katumbas ng 91.90%.

Ito ay mula sa kabuuang 10,006 na mga nagpatala para sa Bar Examination na nagsimula noong November 9.


Pinakamaraming absent sa ikalawang araw ay ang mga examinee na naka-assign sa Ateneo de Manila University (ADMU) sa Quezon City na umabot sa 302, sinundan ng University of Cebu na nasa 81 at ikatlo ang Ateneo de Davao University na nasa 74.

Sabi ng Korte Suprema, hindi na papayagan na makakuha ng pagsusulit sa ikatlo at ikaapat na araw ang mga absent kahit pa nakakuha sila sa unang araw.

Blangko naman ang Bar Examination Committee sa dahilan kung bakit hindi na nagtuloy sa pagsusulit ang mahigit 800 Bar examinees.

Facebook Comments