Mahigit 800 special permits, inilabas para sa mga bus na bibiyahe ngayong Undas

Manila, Philippines – Tiniyak na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na may sapat na bilang ng mga pampasaherong bus ang bibiyahe sa mga lalawigan ngayong Undas.

Sa ilalim ng Oplan Byaheng Ayos: Undas 2019 abot sa  855 special permits ang inilabas ng  LTFRB para sa karagdagang  Public Utility Buses na bibiyahe  simula  October 30 hanggang  November 3.

Ayon kay LTFRB Technical Division Head, Mr. Joel Bolano, hindi inisyuhan ng special permits ang mga buses na higit na sa 10 taon ang kalumaan at 25% lamang ng operators kada  ruta ang maaring bigyan nito.


Titiyakin din ng LTFRB na lahat ng Public Utility Vehicles (PUV) ay sasailalim sa road worthiness inspection bago payagang makapagbiyahe.

Nagsimula na ring maglagay ng advisories ang LTFRB transport inspectors sa mga   terminals sa buong bansa sa tulong ng mga bus companies at terminal operators.

Sinabi naman ni LTFRB Chairman Martin Delgra III sisimulan na ng LTFRB sa Lunes ang ocular inspections sa mga bus terminals at garahe.

Kailangan aniya na nakakasunod ang mga kumpanya sa required facility standards, kabilang ang security protocols, maayos na waiting areas at malinis na restrooms at iba pa.

Inaasahan na ang dagsa ng mga pasahero sa mga lalawigan ngayong Undas para dumalaw sa puntod ng kanilang mga yumaong mahal sa buhay.

Facebook Comments