Inaasahang mahigit sa 900,000 tricycle drivers sa bansa ang mabibigyan ng fuel subsidy ngayong linggo.
Nasa kabuuang 988,068 registered tricycle drivers sa buong bansa ang mabibigyan ng tulong ng pamahalaan sa harap na rin ng epekto ng pandemya at pagtaas ng presyo ng langis at mga bilihin.
Sa pagdinig ng House Committee on Transportation, sinabi ni Atty. Zona Tamayo ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na ang bilang na ito ay mula sa consolidated na listahan sa tulong ng Department of the Interior and Local Government (DILG).
Ang bilang na ito ay posible aniyang madagdagan pa sa oras na maisumite ng natitirang tatlong rehiyon ang kanilang datos.
Kasabay nito ay isinasapinal na rin ng Department of Transportation (DOTr) ang kasunduan sa DILG na may hawak sa mga tricycle at Department of Trade and Industry (DTI) na may hawak naman sa mga delivery services para sa naturang ayuda.
Batay sa napagkasunduan ng mga ahensya, ang fuel subsidy ay idadaan sa electronic wallet o kaya ay “over-the-counter” kung mayroon silang LandBank account.
Sa ilalim ng 2022 budget mayroong P2.5 billion na budget para sa fuel subsidy kung saan P625 million dito ang para sa tricycle at P125 million naman ang para sa delivery services.