Aabot sa mahigit apat na milyong halaga ng shabu ang nakumpiska ng Task Force Davao sa isang 19-anyos na lalaki sa checkpoint sa Sirawan, Davao City.
Sa ulat na ipinarating ni AFP Public Affairs Office Chief Captain Jonathan Zata, kaninang alas-4:00 ng hapon nang maharang sa checkpoint ang suspek na kinilalang si Erl Cesar Pitogo Camiso, residente ng Nabunturan Davao de Oro.
Nakuha sa kanya ang 255 na gramo ng shabu na may estimated street value na na P4.08 milyon.
Ang naarestong si Camiso at ang droga ay sakay ng Toyota Vios na kulay maroon at may plate number na NBU 3017 nang maharang ng Task Force Davao.
Galing Cotabato City at patungo sana Nabunturan, Davao de Oro ang suspek nang ito ay maharang.
Pinuri naman ni Davao City Mayor Sara Duterte ang task force sa pagkakakumpiska ng droga at pagkakahuli sa suspek.