Manila, Philippines – Aabot sa mahigit isang libong pulis ang idedeploy ng PNP National Capital Region Police Office sa ilang lugar sa Metro Manila sa harap ng inaasahang kaliwa’t kanang kilos protesta kaugnay sa pagdriwang ng anibersaryo ng deklarasyon ng Martial Law.
Ayon kay NCRPO Chief Oscar Albayalde, sa mahigit isang libong pulis na idedeploy bukas, apat na raan dito ay itatalaga sa may bahagi ng US Embassy, 100 sa Mendiola habang ang iba ay magsisilbing observers.
Mayroon rin isang daang sundalo mula sa joint task force ng Armed Forces of the Philippines ang kasama ng pulisya sa pagbabantay bukas.
Maliban sa mahigit isang libong pulis na idedeploy bukas, mayroon pang 600 miyembro ng Civil Disturbance Management unit (CDM) ang naka-standby.
Lahat aniya ng idedeploy na pulis bukas ay walang bitbit na baril, tanging helmet, body armor at shield ang bitbit ng mga ito bukas.
Wala naman daw namomonitor ang PNP na posibleng pananabotahe sa selebrasyon bukas, sa ngayon aniya tuloy ang kanilang ginagawang pag-validate ng impormasyong may anim na barkong inarkilahan sakay ang mga raliyista mula sa Mindanao at Visayas.
Hindi rin daw mangyayari ang pagkawala ng signal sa cellphone at iba pang komunikasyon o signal jammers.