Umabot na sa 1.2 milyon ang registered enrolees sa online training program ng Technical Education and Skills Development Authority o TESDA.
Ito ay may kaugnayan sa inilunsad na “Train-the-Trainers” o T3 program ng ahensya na layong maparami ang kanilang mga trainers.
Ayon kay TESDA Spokesperson Retired General Lina Sarmiento, lumagda sila ng Memorandum of Agreement sa Department of National Defense (DND) para maabot at mabigyan ng kasanayan ang mga kababayan nating nakatira sa mga bundok at liblib na lugar.
“Yung Train-the-Trainers, ginagawa namin ito para mag-multiply yung mga TESDA trainers natin. Kasi ang guiding principle ng TESDA ngayon ay ‘TESDA: Abot lahat’ at maabot lang natin lahat kung marami tayong trainers,” ani Sarmiento sa programang “Business As Usual sa Usapang Trabaho” ng RMN Manila.
Karamihan sa mga kursong iniaalok ngayon ng TESDA ay may kaugnayan sa agriculture lalo’t isa sa prayoridad ng gobyerno ay ang food security.
Isa rin sa tinututukan nilang skills area ay ang graphic designing at animation na mapapakinabangan ng mga nag-o-online selling.
Patok din ngayon ang mga kursong may kinalaman sa processed food and beverages, information and communication technology at entreprenuership.
Samantala, 75% ng kabuuang bilang ng enrolees ay nagparehistro sa gitna ng COVID-19 pandemic.