Mahigit isang milyong COVID-19 cases sa bansa, patunay lamang ng kapabayaan ng pamahalaan

Patunay lamang na matindi ang kapabayaan ng administrasyong Duterte sa pagtugon sa COVID-19.

Ito ang iginiit ni Bayan Muna Partylist Rep. Carlos Zarate matapos na lumubo sa mahigit isang milyon ang kaso sa Pilipinas.

Ayon kay Zarate, mahigit isang taon nang nilalabanan ang pandemya ngunit palpak pa rin umano ang solusyon ng pamahalaan.


Puna pa ng kongresista sa “excellent work” sa hindi maayos na COVID-19 response ay dahil ang mga itinalaga para mamuno sa paglaban sa pandemya ay mga dating militar at hindi mga medical at health experts.

Ganito rin ang sinabi ni ACT-Teachers Partylist Rep. France Castro at tinukoy na dahil sa kawalan ng sapat na solusyong medikal tulad ng mass-testing, contact tracing, kakulangan sa bilang ng mga healthcare facilities at workers at mabagal na rollout ng bakuna kaya nauwi ito sa lalong paglala ng krisis sa ekonomiya at kalusugan.

Sa halip anila na solusyong medikal ay inuna pa ng gobyerno ang ibang mga bagay tulad ng red-tagging sa mga hinihinalang rebeldeng komunista.

Muli namang kinalampag ng Makabayan ang Kongreso at ang pamahalaan na magpatawag ng special session para sa pagpapatibay ng P10K na ayuda sa mga mahihirap na apektado ng pandemya.

Facebook Comments