Mahigit isang milyong estudyante, nakikinabang sa libreng sakay ng LRT line noong Agosto

Umaabot na sa mahigit isang milyong mga estudyante ang nakikinabang sa libreng sakay ng Light Rail Transit (LRT) Line 2.

Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni LRTA Administrator Hernando Cabrera na tinatayang 30,000 mga estudyante kada araw ang libreng nakasasakay sa LRT Line 2 mula nang simulan nila ang programa nitong nagdaang August 22 sa unang araw ng pagbubukas ng face-to-face classes sa bansa.

Pinakamataas aniyang ridership ng mga estudyante na kanilang naitala ay 38,000 mula Agosto o umaabot na kamakalawa sa kabuuang 992,000.


Kung susumahin aniya ang bilang ng mga pasaherong estudyante mula kamakalawa at kahapon, naabot na aniya nila ang isang milyong mark.

Ayon pa sa opisyal, magtatagal ng hanggang November 5 ngayong taon ang libreng sakay program para sa mga estudyante, batay na rin sa utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Pagkalipas nito ay balik na muli ang 20% discount na pasahe sa mga estudyante.

Wala pa aniya silang abiso na natatanggap kung palalawigin pa ang libreng sakay pero kung ipag-uutos aniya ito ay susunod lamang sila.

Bukod sa LRT Line 2, libre ring nakasasakay ang mga estudyante sa Philippine National Railways o PNR.

Facebook Comments