Naniniwala ang isang administration senator na malaki ang naiambag ng Duterte administration upang maiangat ang kalidad ng edukasyon sa bansa at magkaroon ng libreng edukasyon sa mga mahihirap na mga estudyante na nais maipagpatuloy ang kanilang pag-aaral.
Ayon kay Senator at Vice Chair of the Senate Committee on Finance Christopher “Bong” Go, umaabot sa 1.62 million students ang nakikinabang sa libreng edukasyon at 150,149 classrooms ang nakumpleto sa buwan ng Hunyo kung saan suportado rin ng senador ang face-to-face classes ng ilang 120 na paaralan.
Paliwanag ng senador, mahalaga na dapat unahin muna ng pamahalaan ang usapin sa kalusugan at buhay ng mga kabataan at ng mga guro dahil talagang delikado pa umano ang sitwasyon ngayon kung saan magiging abala ang mga manggagawa ng gobyerno sa contact tracing kapag kumalat pa ang COVID-19.
Pinapurihan naman ni Go ang kampanya ni Pangulong Duterte laban sa criminality at iligal na droga dahil bumaba umano ng 64% ang krimen sa buong bansa mula July 2016 hanggang June 2021 kung saan kabuuang 203,715 operations sa buwan ng Mayo ngayong taon na nagresulta ng pagkakumpiska ng P60 billion halaga ng iligal na droga at 12,356 high-value targets ang naaresto at 1.22 million drug users ang sumuko sa pamahalaan.
Ibinida rin ng senador ang pagtatatag ng 141 Malasakit Centers sa buong bansa kung saan mahigit 2 milyong mga mahihirap na Pilipino at indigent patients sa buong bansa ang nakinabang sa naturang programa sa ilalim ng Malasakit Centers Act of 2019 kung saan siya ang may akda at nag-isponsor.