Aabot sa P1.35-million halaga ng iPhone 7 plus ang nasabat sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Hinarang ang chinese passenger na si Su Miaoquiao nang dumating ito sa NAIA terminal 1 sakay ng Xiamen Airlines Flight MF 819.
Ayon kay Bureau of Customs – X-Ray Inspection Project Head, Maj. Jaybee Raul Cometa, may nakitang kahina-hinalang bagay sa kaniyang bagahe nang dumaan ito sa x-ray examination.
Aniya, nang inspeksyunin ang kaniyang gamit, nakita ang 30 units na iPhone 7 plus model #A1660 na hindi idineklara ng dayuhan.
Legal naman aniya ang mag-angkat ng smartphones pero dapat itong ideklara dahil ito ay taxable.
Nilabag ng dayuhan ang Customs Modernization and Tariff Act (CMTA) at ang NTC regulation.
Pansamantala namang inilagak sa in-bond room sa terminal 1 ang mga nasabat na iPhone habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.