Mahigit kalahating bahagi ng merkado publiko ng Koronadal City nasunog, imbestigasyon nagpapatuloy.

Umabot sa mahigit kalahating bahagi ng merkado publiko ng Koronadal City ang nasunog alas 8:49 kagabi.
Sa kanilang imbestigasyon ayon kay Fire Officer 1 Joric Abalos, investigator ng Bureau of Fire Protection Koronadal nakita ng mga testigo ang apoy sa isang stall sa gitna ng palengke sa nasabing oras ngunit mabilis itong kumalat.

Umabot naman sa ikaapat na alarma ang sunog at alas 3:43 kaninang umaga na itong nakadeklarang fire-out.
Tumulong din sa pag-apula ng sunog ang mga bombero sa mga karatig bayan ng Koronadal City at Tacurong City, Sultan Kudarat.
Kinumpirma din ni Abalos na agad naman silang rumesponde ngunit dahil sa mga balakid sa mga gate ng palengke hindi nakapasok ang kanilang firetrucks sa loob.
Kabilang sa mga naabo ang stalls ng mga damit, grocery section, gulayan, dried fish section, bigasan at meat section.
Nasama din sa nasunog ang law office ni Koronadal City Vice Mayor Eliordo Bebot Ogena at iba pang opisina na nasa ikalawang palapag ng main building ng palengke.
Sa ngayon problema ng maraming mga stall owners sa Koronadal City Public Market kung papaano maitaguyod ang kanilang hanapbuhay matapos na wala silang naisalba dahil nakauwi na sila nang masunog ang palengke.
Binuksan pa rin ng lokal na pamahalaan ng Koronadal sa mga mamimili ang iilang bahagi ng merkado publiko partikular na sa fish section.
Patuloy namang inaalam ng Bureau of Fire Protection at City Government ng Koronadal ang sanhi ng sunog, pinsalang dulot sa mga ari-arian at apektado na mga stall owners at vendors ng insidente.







Facebook Comments