*Cauayan City, Isabela*-Umabot sa 1,259 na pamilya o binubuo tinatayang nasa 5,774 na indibidwal mula sa 14 na bayan ng Cagayan ang apektado ng pagbaha at landslide dahil sa patuloy na pag-ulan, ayon sa Provincial Climate Change and Risk Reduction Management Office (PCCDRRMO).
Ayon sa PCCDRRMO, umabot 758 na pamilya na may 3,362 na indibidwal ang nasa 24 na iba’t ibang evacuation center sa probinsiya.
Samantala, nasa 165 na pamilya naman na may 3,976 indibidwal ang pansamantalang nakitira sa kanilang mga kaibigan at mga kamag-anak.
Kaugnay nito, binawi na ni Gov. Manuel Mamba ang suspensyon ng klase at trabaho Mapa-gobyerno o pribadong sektor kaya’t may pasok na sa lahat ng antas ng paaralan at mga opisina ngayong araw.
Ito ay batay sa rekomendasyon ng Provincial Climate Change and Disaster Risk Reduction Management Office (PCCDRRMO).
Sa pagtaya ng PCCDRRMO ay wala nang nakikitang malinaw at kasalukuyang panganib kaya inirekomenda nito sa gobernador na bawiin na ang umiiral na suspensyon.
Kaugnay nito, nakasalalay na sa mga Local Chief Executives o Municipal Mayors kung mananatili ang suspensyon sa kani-kanilang bayan lalo na sa mga lugar na lubog pa sa baha o may banta pa sa mga mag-aaral.